Five Years Later

Kinang

Five Years Later

Hindi ako makapaniwala na ganito ako ngayon. Akala ko kapag sumama at nagpakasal ako kay Hector giginhawa ang buhay ko dahil mapera siya, nabibili ang lahat ng gusto ko, napupuntahan ang mga lugar na gusto kong puntahan.


Ang yamang inaakala kong walang katapusan ay naglaho sa isang iglap nang mahuli ang ’boss’ nito na isa palang pinuno ng sindikatong nagbebenta ng droga.


Pero heto ako ngayon, nakatanaw sa pamilyang dating akin na ipinagpalit ko sa kinang ng salapi. Ang pamilyang dating akin, pero ngayon iba na ang nagmamay-ari dahil wala na akong karapatan simula ng magpakasal ako sa iba at iwan sila.


Ngayon kitang-kita ko ang masaya nilang mukha habang nagkukwentuhan sa terrace ng bagong gawang bahay habang nakakubli ako sa gilid ng isang poste.


Wala na ang dati naming bahay na kaunting tulak na lang ay tutumba na. Ngayon sementado na at may dalawang palapag. Nakita ko ring may kotse na rin sila. Kitang-kita ko ang masayang mukha ng mga anak ko habang kaharap ang babaeng sa tingin ko ay kaedad ko lang.


At nang nakita ko si Andrew na lumabas at nakihalubilo sa mga ito na may buhat na isang batang babae ay para akong binuhusan ng malamig na tubig, lalo na nang dampian nito ng halik ang babae.


Ang buhay na iniwan ko dahil sa hindi ko na kaya ang hirap at dala na rin ng inggit sa mga dating kabarkada ko ang siyang kinasasadlakan ko ngayon. At alam kong wala na akong kawala dahil legal ang kasal namin ni Hector, hindi tulad ng magkasama pa kami ni Andrew na nag-live-in lang.


Sising-sisi ako dahil sa maling desisyon ko noon. Sinayang ko ang lahat ng meron kami, ngayon ko lang naisip na kahit hindi marangya ang buhay namin ay masaya naman kami, ako lang ang hindi nakontento.


Wala na ring saysay magsisi man ako dahil huli na ang lahat. Humahagulgol na tumalikod na ako para umalis sa lugar na iyon at huwag nang magpakita.


Dala sa dibdib ang walang katumbas na panghihinayang at pagsisisi. Kung naghintay lang sana ako tulad nang sinabi noon ni Andrew at hindi nasilaw sa perang ibiabalandra sa akin noon ni Hector ako sana ang nasa lugar ng babaeng iyon ngayon. At masaya pa rin ako kasama ang tunay kong pamilya.


Tunay ngang nasa huli ang pagsisisi.


###