Chapter one

Kinang

Chapter one

"Ayoko na sa ganitong buhay! Sawang-sawa na ako!!" Sigaw ni Sonia habang naglalakad patungo sa direksyon ng pinto bitbit ang isang malaking bag. "Hindi ito ang inaasahan kong buhay nang sumama ako sa iyo!"


"Hindi pa ba sapat ang mga pagsisikap ko para sa pamilya natin? Ibinibigay ko naman ang kaya ko, hindi tayo sumasala sa pagkain!" Galit ding sigaw ni Andrew habang nakasunod sa papalabas na asawa.


"Hindi ito ang inasahan ko sa mga binitiwan mong pangako! Dalawa na ang anak natin pero hindi mo pa rin naipaparanas sa akin ang marangyang buhay na gusto ko." Mariing sabi ni Sonia sabay piksi sa kamay ng asawa na humawak sa kanyang braso.


"Mama!!" Sabay na palahaw ng kanilang anak. Si Joan, sampung taong gulang at si Andrei, walong taong gulang.


Binalewala lahat iyon ni Sonia at nagtuloy sa sasakyang naghihintay sa kanya. lulan niyon ang bagong karelasyon na isang mayamang lalaki.

---

Napatigil si Andrew sa pagsunod nang makita ang magarang sasakyan dahil hindi niya inasahan na may kapalit na agad siya sa buhay ng asawa. Tanging pagtanaw na lamang ang kanyang nagawa habang unti-unting lumalayo ang sasakyan kung saan naroon ang babaeng pinakamamahal niya.


Kasunod niyon ang hindi na napigilan paglalandas ng kanyang mga luha habang dahan-dahang gumuguho ang lahat ng mga plano at pangarap na kanyang binuo at pinagsisikapang makamit.


"Bakit nagawa mo sa ’kin ’to? Sa pamilya natin? Kaunting panahon na lang naman ang kailangan ko at maibibigay ko na ang buhay na gusto mo...." Nanghihinang bulong niya habang naglalakad pabalik sa loob ng bahay kung saan patuloy na nag-uumiyak ang kanyang mga anak. "Tahan na kayo... ’Wag kayong mag-alala nandito pa naman si papa eh." Alo niya sa mga anak na mabilis na tumakbo at yumakap sa kanyang mga binti nang makita siya.


"Hindi na po ba babalik si mama?" humihikbing tanong ni Joan. "Ba-bakit po siya umalis?"


"Ssshhh. Pasensya na anak, hindi ko rin alam kung babalik pa ang mama mo." Tanging sagot niya habang inaakay ang mga ito patungo sa kanilang sofa.


Tahimik siyang lumuluha habang kalong ang dalawang anak at dinadampian ng mga halik sa tuktok ng ulo hanggang sa makatulog ang mga ito dala ng pagod sa pag-iyak.


"Hindi ko kayo pababayaan," bulong niya sa natutulog na mga anak. "Ipapakita ko sa mama ninyo kung ano ang sinayang niya."

Five Years Later